Wednesday, April 27, 2011

Pahingi po ng pirma!

This is not the actual signature campaign




"Ate! Kuya! Pahingi po ng pirma." ang mga katagang narinig ko sa mga aktibistang nagra-rally. Humihingi sila ng bilang ng pirma sa bawat dadaang mamamayang Pilipino sa kalsada. Marahil, may nais na naman sila. May gustong makuha.

Pauwi na ako no'n galing sa bahay ng kaibigan, nang maisipan kong magpunta sa isang fast food chain sa palengke. Aking silang nakita papasok pa lamang ako sa food chain. Hindi ko pinansin ang babaeng nag-aabot sa akin ng brochure dahil nga ako ay bibili at gusto ko na ring maka-uwi sa bahay dahil nagbabadya na ang ulan. Makulimlim na ang kalangitan. Nang makalabas na ako, nakita ko ang isang lalaki, hawak niya ang isang banderang may nakasulat na Anakbayan, kung hindi ako nagkakamali. Isa sila sa mga grupong nagpapalaganap ng aktibismo sa bansa.

Nang ako nga ay makalabas na, may nakita ako uling babae. Ngayon, hindi na siya ang babaeng may hawak na brochure, may hawak na siyang papel. Nangangalap ng pirma. Nanghihingi.

Nakasakay na ako sa jeep nang makita kong sila ay umaabante, at hindi ko alam kung saan sila paparoon. Narinig ko ang lalaking may hawak ng banderang sinisigaw ang mga katagang "...itaas ang sahod!" 

Napatanong ako sa sarili ko. "Hindi ba itataas uli ang sahod ng mga manggagawa?"

Napatanong ako ulit sa aking sarili. "Bakit na naman sila nagra-rally? Para sa mataas na sahod? Hindi ba sila kuntento na tataasan na kahit papaano ang mga sahod nila?"

Napatanong ako uli. Sa ikatlong pagkakataon. "Trip lang ba nilang magrally para magpapansin? E paano kung  hindi aprubahan ang dagdag sahod na hinihingi nila?"

At marami pang mga tanong ang naglaro sa isipan ko. Mga tanong na hindi masasagot ng isang batang hindi pa bukas ang mga mata sa mga bagay na nakikita nila. Sino ba naman ako para kwestyunin ang mga ipinaglalaban nila? Tama ba ang isiping trip lang nila ang ginagawa nila? O sadyang di lang talaga sapat ang kinikita nila.

Naka-uwi na nga ako ng bahay. Naglalaro pa rin ang mga tanong na kanina pang gumugulo sa isip ko.

Sa puntong ito, napagtanto kong walang rason para kwestyunin ang ginagawa nila, ang mga bagay na ipinaglalaban nila. Nais lang naman nilang marinig, katulad ng isang musmos na panaghoy ang sambit sa tuwing kumakalam ang kanyang sikmura.

Ngunit...

Tama bang sa lahat ng pagkakataon, sagot ang "RALLY" sa mga bagay na gusto nilang ipaglaban? Hanggang "tayo na sa Mendiola" at "pahingi po ng pirma" na lang ba ang alam at kaya nilang gawin?

Halika! Samahan mo ako! Tayo na sa Mendiola at manghingi ng pirma!

No comments:

Post a Comment