Biglaan - Jay Perillo
Bukod sa pait na nawalan ka ng taong mahalaga sa iyo at mahal mo, pilit pang binubulong ng hangin sa iyong mga tainga ang ang katotohanan wala kang nagawa. Hindi mo siya natulungan...
Umuulan nang mangyari ang lahat...
Aksidenteng di ko akalaing magaganap...
Dinadamayan ako ng langit. Ang bawat luhang tumutulo sa aking mga mata, ay kakambal ang panalanging "Diyos ko! Huwag Niyo po muna siyang kunin!". Na sa bawat hagulgol, kasabay nito ang puso kong gusto nang kitilin ang buhay ko, humaba lang ang kanyang buhay.
Kung maari siguro ay tawagin ko na ang lahat ng santong kilala ko ay gagawin ko, ngunit--- hindi na talaga maaring mangyari ang nais ko. Ang panalanging ibinulong ko sa Iyo.
Mas katanggap-tanggap pa marahil ang mawala siya dahil sa isang malubhang sakit, na maging ang mga doktor na mismo ay sasabihing, "ikaw ay mabubuhay na lamang sa loob ng apat na buwan." Sa ganoong paraan, kahit paano, madaling tanggapin dahil nga sa katotohanang siya ay unti-unti kinukuha ng sakit at maroon pa akong oras.Hindi ngang hindi matagal, ngunit sapat na upang aking maipapakita ang pagmamahal na hindi ko naipakita noon. Makapagpapa-alam ako ng maayos at naroon ang kapanatagang nasa Iyo na siya, na siya's makararating sa bahay Mo.
Ngunit...
Subalit...
Hindi nga ganoon ang nangyari. Nawala siya ng biglaan. Kinuha Mo siya. Hindi ko nagawa ang mga bagay na gusto ko pang gawin. Hindi Mo man lang ako binigyan, maski isang oras. Iyon lang naman ang hinihingi ko! Sadya bang matagal sa Iyo ang isang oras na hinihingi ko? Ganyan ka ba kadamot?
Kinuha Mo siya! Tatlong araw na ang nakalilipas...
Ngayon, lumipas na nga ang mga araw... linggo... buwan at taon...
Narito ako ngayon sa kanyang puntod...
Umiiyak...
Tanggap ko na ang nangyari...
Pilit kong tinatanggap... para sa sarili ko... alam ko... magkikita uli tayo... hindi man ngayon... baka bukas? mamaya? o sa susunod?
Nasasaktan pa rin ako sa masakit mong paalam, ngunit-- nangyari na ang nangyari.
Hilingin ko man sa Kanya ang isang makinang maaring makabalik sa naganap, siguro ay hindi Niya maririnig. Masyado Siyang abala... abala sa pagkuha sa mga anghel na katulad mo. Masakit man, kailangan tanggapin.
Kailangang kailangan... nang hindi ako nalulunod sa kaiisip na ikaw ay matagal nang naging malamig na bangkay.
No comments:
Post a Comment