Monday, August 15, 2011

Hindi Sana Dito

Mahirap tumakas sa tanikala kung saa’y ako’y nakatali at mayroon pang kandado – kandadong nakagapos sa mura kong kamay kasabay pa ang busal sa aking bibig upang ito’y aking itikom, upang manatiling lihim ang bahong sumisingaw kahit gaano pa kahigpit ang pagkaipit dito.


Sa isang taon na ring nilagi ko sa aking sintang paaralan, ang Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas na mas kilala sa bansag na PUP, ay iba’t-ibang kaganapan na ang nakita ng aking matang walang muwang sa mga pangyayari hanggang masilayan ko si Ted Pylon na ika nga ay ang marmol na galing sa Romblon.

Nasaksihan ko ang gulo. Narinig ang sumbong ng kapwa ko Iskolar ng Bayan. Narinig ko ang bulong nilang mahina na kung sila ay magsasabay-sabay sa pagbulong ay tila konsiyerto sa Paco. Maraming may hinaing, napilitan lang manahimik.

Katulad ng hinaing ng kapwa ko Iskolar, problema sa Kolehiyo ng Komunikasyon ang mga librong mga propesor rin ang gumawa. Hindi naman talaga ito isyu pagka’t hindi kuwestiyon ang kapasidad ng kung sinumang may-akda ng libro, ang tanging tanong lang na umiikot sa utak kong maliit ay kung bakit kailangan pang magbenta ng libro kung saan utak mismo nila ang pinanggalingan?

Mga tiket, na hindi daw required pero compulsory. Hindi ko lubos na maintindihan ang kaibahan ng required at compulsary. Nasaan ang karapatang magdesisyon ni Isko at Iska?

Minsan ko pa ngang naranasan ang magbayad ng beinte para raw sa booklet na amin raw gagamitin para sa aming eksamen at madalian kong nakuha ang mataas na marka. Nakapanghihinayang, hindi mataas na grado ang gusto ko kundi karunungang dapat ibinigay ng propesor kong magaling – magaling lumiban. May mga pagkakataon pa ngang hindi madalas magpakita ang mga propesor. Nagdadahilan silang malayo raw ang kampus namin, siguro nanghihinayang sila sa dose pesos pampedikab? Sabagay, dose pesos rin lang pala ang bayad namin sa kanila. Masakit lamang tanggapin na kung sino pa ang gustong matuto at nangangailangan ng karunungan mula sa kanyang propesor, ay ay siya pang napagkakaitan – ng karunungan na hindi kapalit ang beinte pesos.

Huwag na natin isama rito ang kakulangan sa upuan at kawalan ng bentilador sa bawat silid-aralan. Sanay na ata kami dito. Paypay dito, paypay doon. Ipinagpapasalamat ko na nga lang at pantay pa ang laki ng braso ko. (Anong konek ng braso sa artikulong ito? Malaking palaisipan!)

Hindi na nga marahil maiaalis ang kamalian. Ang lipunan na ang nagdikta na magkaroon ng panghabang-buhay na kamalian. Kung maayos lang, kung may pera lang, hindi sana dito.

Wednesday, April 27, 2011

Pahingi po ng pirma!

This is not the actual signature campaign




"Ate! Kuya! Pahingi po ng pirma." ang mga katagang narinig ko sa mga aktibistang nagra-rally. Humihingi sila ng bilang ng pirma sa bawat dadaang mamamayang Pilipino sa kalsada. Marahil, may nais na naman sila. May gustong makuha.

Pauwi na ako no'n galing sa bahay ng kaibigan, nang maisipan kong magpunta sa isang fast food chain sa palengke. Aking silang nakita papasok pa lamang ako sa food chain. Hindi ko pinansin ang babaeng nag-aabot sa akin ng brochure dahil nga ako ay bibili at gusto ko na ring maka-uwi sa bahay dahil nagbabadya na ang ulan. Makulimlim na ang kalangitan. Nang makalabas na ako, nakita ko ang isang lalaki, hawak niya ang isang banderang may nakasulat na Anakbayan, kung hindi ako nagkakamali. Isa sila sa mga grupong nagpapalaganap ng aktibismo sa bansa.

Nang ako nga ay makalabas na, may nakita ako uling babae. Ngayon, hindi na siya ang babaeng may hawak na brochure, may hawak na siyang papel. Nangangalap ng pirma. Nanghihingi.

Nakasakay na ako sa jeep nang makita kong sila ay umaabante, at hindi ko alam kung saan sila paparoon. Narinig ko ang lalaking may hawak ng banderang sinisigaw ang mga katagang "...itaas ang sahod!" 

Napatanong ako sa sarili ko. "Hindi ba itataas uli ang sahod ng mga manggagawa?"

Napatanong ako ulit sa aking sarili. "Bakit na naman sila nagra-rally? Para sa mataas na sahod? Hindi ba sila kuntento na tataasan na kahit papaano ang mga sahod nila?"

Napatanong ako uli. Sa ikatlong pagkakataon. "Trip lang ba nilang magrally para magpapansin? E paano kung  hindi aprubahan ang dagdag sahod na hinihingi nila?"

At marami pang mga tanong ang naglaro sa isipan ko. Mga tanong na hindi masasagot ng isang batang hindi pa bukas ang mga mata sa mga bagay na nakikita nila. Sino ba naman ako para kwestyunin ang mga ipinaglalaban nila? Tama ba ang isiping trip lang nila ang ginagawa nila? O sadyang di lang talaga sapat ang kinikita nila.

Naka-uwi na nga ako ng bahay. Naglalaro pa rin ang mga tanong na kanina pang gumugulo sa isip ko.

Sa puntong ito, napagtanto kong walang rason para kwestyunin ang ginagawa nila, ang mga bagay na ipinaglalaban nila. Nais lang naman nilang marinig, katulad ng isang musmos na panaghoy ang sambit sa tuwing kumakalam ang kanyang sikmura.

Ngunit...

Tama bang sa lahat ng pagkakataon, sagot ang "RALLY" sa mga bagay na gusto nilang ipaglaban? Hanggang "tayo na sa Mendiola" at "pahingi po ng pirma" na lang ba ang alam at kaya nilang gawin?

Halika! Samahan mo ako! Tayo na sa Mendiola at manghingi ng pirma!

Tuesday, April 26, 2011

Masakit mong Paalam.


Biglaan - Jay Perillo


Wala na sigurong mas sasakit pa sa sitwasyong makita mo ang iyong anak na unti-unting nawawalan ng hininga sa iyong mga bisig...

Bukod sa pait na nawalan ka ng taong mahalaga sa iyo at mahal mo, pilit pang binubulong ng hangin sa iyong mga tainga ang ang katotohanan wala kang nagawa. Hindi mo siya natulungan...

Umuulan nang mangyari ang lahat...

Aksidenteng di ko akalaing magaganap...

Dinadamayan ako ng langit. Ang bawat luhang tumutulo sa aking mga mata, ay kakambal ang panalanging "Diyos ko! Huwag Niyo po muna siyang kunin!". Na sa bawat hagulgol, kasabay nito ang puso kong gusto nang kitilin ang buhay ko, humaba lang ang kanyang buhay.

Kung maari siguro ay tawagin ko na ang lahat ng santong kilala ko ay gagawin ko, ngunit--- hindi na talaga maaring mangyari ang nais ko. Ang panalanging ibinulong ko sa Iyo.

Mas katanggap-tanggap pa marahil ang mawala siya dahil sa isang malubhang sakit, na maging ang mga doktor na mismo ay sasabihing, "ikaw ay mabubuhay na lamang sa loob ng apat na buwan." Sa ganoong paraan, kahit paano, madaling tanggapin dahil nga sa katotohanang siya ay unti-unti kinukuha ng sakit at maroon pa akong oras.Hindi ngang hindi matagal, ngunit sapat na upang aking maipapakita ang pagmamahal na hindi ko naipakita noon. Makapagpapa-alam ako ng maayos at naroon ang kapanatagang nasa Iyo na siya, na siya's makararating sa bahay Mo.

Ngunit...

Subalit...

Hindi nga ganoon ang nangyari. Nawala siya ng biglaan. Kinuha Mo siya. Hindi ko nagawa ang mga bagay na gusto ko pang gawin. Hindi Mo man lang ako binigyan, maski isang oras. Iyon lang naman ang hinihingi ko! Sadya bang matagal sa Iyo ang isang oras na hinihingi ko? Ganyan ka ba kadamot?

Kinuha Mo siya! Tatlong araw na ang nakalilipas...

Ngayon, lumipas na nga ang mga araw... linggo... buwan at taon...

Narito ako ngayon sa kanyang puntod... 

Umiiyak... 

Tanggap ko na ang nangyari...

Pilit kong tinatanggap... para sa sarili ko... alam ko... magkikita uli tayo... hindi man ngayon... baka bukas? mamaya? o sa susunod?

Nasasaktan pa rin ako sa masakit mong paalam, ngunit-- nangyari na ang nangyari. 

Hilingin ko man sa Kanya ang isang makinang maaring makabalik sa naganap, siguro ay hindi Niya maririnig. Masyado Siyang abala... abala sa pagkuha sa mga anghel na katulad mo. Masakit man, kailangan tanggapin.

Kailangang kailangan... nang hindi ako nalulunod sa kaiisip na ikaw ay matagal nang naging malamig na bangkay.

Friday, April 22, 2011

Sa muling pagkikita

Sabik na akong ito'y malaman
Isang taon na ang dumaan
Ako'y nariyan pa ba sa iyong isipan?

Tumakbo ang oras, naglaro ang araw
Natulog ang buwan, muling ngumiti ang araw
Ako ay nagising sa pagkahimbing matagal
"Asan ka?" ang aking nautal

Eroplano sa himpapawid, ika'y lulan
Unti-unting pagtakbo'y di ko nasilayan
Luha'y nangilid sa aking mga mata
Sigaw ko'y isang mapait na bakit!?

Lumisan ka, walang sabe, walang paalam
Pagbalik mo kaya'y akin nang alam?
Hintay ko'y isang oong matamis
Kaibigan, iyon ang aking nais.