Saturday, July 28, 2012

Larawang Kupas

Larawang Kupas

Larawang kupas, Larawang kupas
Kita'y nahanap sa baul kong bukas
Muli kong nasilip ang kahapon
Maya’y isisilid na muli sa kahon

Larawang kupas, Larawang kupas
Bumalik ala-ala ng nakalipas
Tanda mo pa ba ating tawanan?
E ang mga panahon ng iyakan?

Larawang kupas, Larawang kupas
Nasilayan ko mga panahong matatag
Magkatabi sa malamig na lapag
Hindi iniisip ang darating na bukas

Larawang kupas, Larawang kupas
Ako ba’y inisip mo nang labis?
Nadarama ko lamang ay hapis
Manatili ka pa kayang kupas?

Larawang kupas, Larawang kupas
Nabago na nga ang bukas
Nadarama ko’y tanging poot
Isinukli mo ri’y malabis na poot

Hindi kita masisi, Larawang kupas
Pagkat nagbago na nga ang bukas
Ako’y namumuhay na sa pait
Nawa’y sa iba, hindi ito maulit

Larawang kupas, Larawang kupas
Init at liwanag sayo’s lalapit
Tuluyan kang magiging abo
Isama mo ala-alang maglalaho

Patawarin mo ako, Larawang kupas
Bukas nga’y nagbago na
Ako ay lalayo, Kita’y iiwan na
Maglalakbay, susulong mag-isa

Kung isipin mong ito’y karuwagan
Nagkakamali ka, Larawang kupas
Kailanman, hindi naging karuwagan
Ang hanapin ang daan sa kaginhawaan

Malumbay man, Larawang kupas
Darating ang panahon, ang tao
Maglalakbay, susulong mag-isa
Mamumuhay para sa kanyang sarili.

No comments:

Post a Comment