Monday, August 15, 2011

Hindi Sana Dito

Mahirap tumakas sa tanikala kung saa’y ako’y nakatali at mayroon pang kandado – kandadong nakagapos sa mura kong kamay kasabay pa ang busal sa aking bibig upang ito’y aking itikom, upang manatiling lihim ang bahong sumisingaw kahit gaano pa kahigpit ang pagkaipit dito.


Sa isang taon na ring nilagi ko sa aking sintang paaralan, ang Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas na mas kilala sa bansag na PUP, ay iba’t-ibang kaganapan na ang nakita ng aking matang walang muwang sa mga pangyayari hanggang masilayan ko si Ted Pylon na ika nga ay ang marmol na galing sa Romblon.

Nasaksihan ko ang gulo. Narinig ang sumbong ng kapwa ko Iskolar ng Bayan. Narinig ko ang bulong nilang mahina na kung sila ay magsasabay-sabay sa pagbulong ay tila konsiyerto sa Paco. Maraming may hinaing, napilitan lang manahimik.

Katulad ng hinaing ng kapwa ko Iskolar, problema sa Kolehiyo ng Komunikasyon ang mga librong mga propesor rin ang gumawa. Hindi naman talaga ito isyu pagka’t hindi kuwestiyon ang kapasidad ng kung sinumang may-akda ng libro, ang tanging tanong lang na umiikot sa utak kong maliit ay kung bakit kailangan pang magbenta ng libro kung saan utak mismo nila ang pinanggalingan?

Mga tiket, na hindi daw required pero compulsory. Hindi ko lubos na maintindihan ang kaibahan ng required at compulsary. Nasaan ang karapatang magdesisyon ni Isko at Iska?

Minsan ko pa ngang naranasan ang magbayad ng beinte para raw sa booklet na amin raw gagamitin para sa aming eksamen at madalian kong nakuha ang mataas na marka. Nakapanghihinayang, hindi mataas na grado ang gusto ko kundi karunungang dapat ibinigay ng propesor kong magaling – magaling lumiban. May mga pagkakataon pa ngang hindi madalas magpakita ang mga propesor. Nagdadahilan silang malayo raw ang kampus namin, siguro nanghihinayang sila sa dose pesos pampedikab? Sabagay, dose pesos rin lang pala ang bayad namin sa kanila. Masakit lamang tanggapin na kung sino pa ang gustong matuto at nangangailangan ng karunungan mula sa kanyang propesor, ay ay siya pang napagkakaitan – ng karunungan na hindi kapalit ang beinte pesos.

Huwag na natin isama rito ang kakulangan sa upuan at kawalan ng bentilador sa bawat silid-aralan. Sanay na ata kami dito. Paypay dito, paypay doon. Ipinagpapasalamat ko na nga lang at pantay pa ang laki ng braso ko. (Anong konek ng braso sa artikulong ito? Malaking palaisipan!)

Hindi na nga marahil maiaalis ang kamalian. Ang lipunan na ang nagdikta na magkaroon ng panghabang-buhay na kamalian. Kung maayos lang, kung may pera lang, hindi sana dito.